Isa akong estudyante sa Politeknikong Pamantasan ng Pilipinas (PUP).Hindi ko matukoy sa ngayon kung ano talaga nag pangarap ko. Basta ng nais ko lang, makatapos ng kolehiyo para matulungan ang naghihirap kong magulang. Magulo pa kasi ang isip ko, hindi ko masabi kung ano ba talaga ng gusto ko.
Taong 2008, buwan ng Marso ng grumadweyt ako ng sekondarya sa aming barangay. Noong taon ding iyon, buwan ng Mayo ng kumuha ako ng pagsusulit para makapasok sa nabanggit kong pamantasan. Pinalad akong makakuha ng mataas na marka at pinasya kong kunin ang kursong accountancy. Pero hindi ako pinalad sa kursong iyon, hindi marahil para sakin at hindi ako para sa kursong iyon. Ipinasya kong lumipat ng kurso at ngayon nga ay nasa unang taon ako sa kursong civil engineering. Mahirap pero masaya. Masarap na mahirap. Nakakaiyak rin minsan.
Matatandaang nabanggit ko sa simula nitong sinulat ko na magulo ang isip ko at hindi ko masabi ang gusto ko. Ang totoo, hindi ko masabi dahil marami akong gustong gawin sa buhay ko. Bukas ang isip ko sa pagnenegosyo bagaman wala akong kapasidad para isagawa ito. Gusto kong maging abugado para magtuwid ng kabuktutan sa hustisya ng aming bansa. Bagaman imposible, naisip ko iyon. Gusto ko ding maging guro para naman hubugin ang bagong henerasyon ng mga sinasabi ni Rizal na "pag-asa ng bayan". Gusto ko ding maging caregiver para makapagtrabaho sa ibang bansa. Para mabilis umasenso sabi ng ilan. Magulo diba pero ilan lang yan, gusto ko din kasing maging doktor, nars, pulis, sundalo, piloto, factory worker, bus driver, tindero, ice cream vendor, kapitan ng barangay, mayor, congressman, gobernador, senador, at kung magkakatotoo, maging pangulo ng Pilipinas. Wala naman sigurong masama kung maghangad ako ng pagbabago.
Ang sarap mangarap lalo na at kung magkakatotoo. Kung pwede nga lang na magawa ko lahat ng iyon sa buhay ko. Bagama't magulo, iyon ang aking pangarap at walang masama sa mangarap. Magkagayunman, iisa lang ang "objective" ko, ang makatulong pangunahin sa magulang ko,sa aking mga kapatid,sa aking kapwa, sa aking bansa at huli na nag para sa akin. Imposible mang magkatotoo sa realidad, ninanais ko paring matupad kahit ilan lang sa mga nabanggit ko.
Hindi nyo nga pala ako kilala,tawagin nyo na lang akong Alfred. Marahil nagtataka kayo pero yun talaga ako eh. Yun ang pangarap ko.